MANILA, Philippines — “Ulyanin.”
Ito ang itinawag ng abogadong si Ferdinand Topacio sa kolumnistang si Mon Tulfo matapos siyang tawaging “all talk” kaugnay ng kinakaharap na kontrobersya ng Department of Tourism.
Binanatan ni Tulfo sa kaniyang kolumn kung saan ginagamit lamang umano ni Topacio ang pagiging abogado ng nagbitiw na si dating Tourism Secretary Wanda Teo upang magpasikat.
"Yung sinasabi niyang the guy is all talk, he does not care about his client. He must have forgotten kasi ulyanin na nga na sometime in the year 2000 or 1999, he was my client, together with Raffy Tulfo. So why would he hire me if I were all talk?" wika ni Topacio ngayong Huwebes.
Nag-ugat ang hirit ni Tulfo sa pahayag ni Topacio sa mga mamamahayag na ibabalik na lamang ng Bitag Media ang P60 milyon na ibinayad sa kanila ng DOT para sa advertisements.
Sinabi ni Tulfo na hindi kinonsulta ni Topacio ang Bitag Media na pagmamay-ari ni Ben Tulfo nang sabihing ibabalik ang milyung-milyong pera.
“Why would I do that? A lawyer never gives any information publicly without any clearance from his client,” depensa ni Topacio.
Kinuwestyon ng Commission on Audit ang advertisements ng DOT sa “Kilos Pronto” na palabas ng Bitag Media sa PTV4.
Dahil dito ay nagbitiw si Teo na kapatid ng mga broadcaster na Tulfo.
Tumanggi na naman si Topacio na magkomento tungkol sa napabalitang girian sa pagitan ng magkakapatid.