Romulo-Puyat bagong Tourism secretary
MANILA, Philippines — Kaagad nakahanap ng kapalit si Pangulong Rodrigo Duterte sa nabakanteng pwesto sa Department of Tourism.
Itinalaga ni Duterte si dating Agriculture Undersecretary Bernadette Romulo-Puyat bilang bagong kalihim ng kagawaran na nabalot sa kontrobersya nitong nakaraang linggo.
“I am overwhelmed by the appointment,” wika ni Puyat na anak ni dating Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo.
Aniya nasa Palasyo siya para sa National Food Authority Council meeting nang ialok sa kanyia ni Duterte ang pwesto.
“Wala na si Wanda, gusto mo ikaw? Bagay ka. Your credentials speak for themselves,” wika ni Duterte ayon kay Puyat.
Akala ni Puyat ay nagbibiro lamang ang presidente hanggang ipinakilala na siya ni Duterte kay dating Sen. Serge Osmeña na bagong Tourism secretary.
Nagbitiw si Wanda Teo matapos masilip ng Commission on Audit ang kwestiyonableng ad placements ng Tourism department sa programa ng kaniyang kapatid na si Ben Tulfo sa PTV4.
Umabot sa P60 milyon ang inilagak ng DOT sa “Kilos Pronto” ng Bitag Media.
Iginiit ng kampo ni Teo na nagbitiw siya ngunit ayon sa ulat ng STAR ay sinibak siya ni Duterte.
Nabanggit ni Duterte ang tungkol sa sinibak niya dahil sa bahid ng katiwalian ngunit hindi na niya ito pinangalanan.
“Marami akong napaalis sa corruption. Mayroon bago. It has nothing to do at all with any other reason. I just don’t want to make publicity out of it,” ani Duterte.
- Latest