De Castro sa Ombudsman?
MANILA, Philippines — Isa si Associate Justice Teresita Leonardo-de Castro sa maaaring pumalit kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales na nakatakdang magretiro sa Hulyo.
Sa kaniyang liham sa Judicial and Bar Council, ninomina ni Retired Associate Justice Arturo Brion si de Castro dahil na rin sa pagiging batikan nito sa paglilingkod sa gobyerno na umabot na ng 45 taon.
“Through all these years, she has served the government with competence, probity and integrity,” nakasaad sa liham ni Brion nitong Mayo 3.
“Her long years in the prosecutorial service (almost 19 years) and in the Sandiganbayan (more than 10 years), not to mention her more than a decade of experience as an associate justice of the Supreme Court qualify her for the position of Ombudsman,” dagdag niya.
Hindi pa naman tinatanggap ni de Castro ang nominasyon na kinakailangan upang tuluyang masama sa pagpipilian ng JBC.
Bago maupo sa Korte Suprema noong Disyembre 2007, umupo bilang presiding justice si de Castro sa Sandiganbayan at pinamunuan din ang special division ng anti-graft court na nagpakulong kay dating Pangulo at ngayo’y Manila City Mayor Joseph Estrada para sa kasong plunder noong 2007.
Naihalal din siya bilang pinuno ng International Association of Women Judges mula 2012 hanggang 2014.
Bukod sa mga parangal, nakilala ng publiko si de Castro sa kasagsagan ng impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes-Sereno.
Isa si de Castro sa limang hukom na tumestigo sa Kamara laban kay Sereno.
Nabalita rin ang sigawan nina de Castro at Sereno sa pagdinig ng mataas na hukuman sa quo warranto case laban sa punong mahistrado.
Bukas ang pagtanggap ng aplikasyon ng JBC hanggang Mayo 15.
Bababa sa pwesto si Morales sa edad na 76, kung saan umupo siya sa Ombudsman noong 2011.
Pinalitan ni Morales ang nagbitiw na si Merceditas Gutierrez upang maiwasana ng impeachment trial sa Senado.
- Latest