3 diplomat sa Kuwait may absolute immunity
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Malacañang na mayroong absolute immunity ang mga diplomat kaugnay sa kinakaharap na warrant of arrest ng 3 Philippine envoy sa Kuwait, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Kinumpirma mismo ni DFA Sec. Alan Peter Cayetano na tatlong diplomat ng Philippine embassy sa Kuwait ang may kinakaharap na warrant of arrest dahil sa kasong kidnapping na isinampa sa mga ito kaugnay ng isinagawang rescue mission sa mga OFW.
Sinabi ni Roque na siya’y nagturo ng International Law at hindi aniya siya maaaring magkamali na may immunity sa kaso ang isang diplomat at ito’y absolute.
Ipinapaubaya na rin ng Malacañang kay Cayetano kung sino sa mga DFA officials ang dapat na managot kaugnay ng rescue video na nag-viral at ikinagalit ng pamahalaan ng Kuwait.
Nakauwi na sa bansa kamakalawa ng gabi si Ambassador Renato Villa matapos ideklarang persona non-grata ng Kuwaiti government kaugnay sa kontrobersyal na rescue mission.
Kaugnay nito’y naniniwala ang Presidential spokesman na maaayos ang anumang namamagitang gusot sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait sa pagsasabing matindi ang pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Katunayan aniya rito ang ibinigay na suporta ng Pilipinas sa Kuwait nuong kainitan ng gulf war nuong 1991 na nauwi sa Liberation of Kuwait.
- Latest