MANILA, Philippines — Kinasuhan na ng National Bureau of Investigation (NBI) si dating Tourism Secretary Ramon Jimenez at iba pang opisyal ng Department of Tourism kaugnay sa P1.2 bilyong kontrata para sa advertising campaign.
Ayon kay NBI Director Dante Gierran, nakita sa imbestigasyon na nilabag umano ni Jimenez at iba pang opisyal ng DOT ang batas sa pagbibigay ng proyekto sa gobyerno ng ibinigay ng DOT ang kontrata para sa advertising campaign ng DOT mula 2012 hanggang 2014.
Nilabag din umano ni Jimenez ang mga mahigpit na patakaran ng gobyerno para sa pag-extend ng mga naturang kontrata kaya umabot ng halos P1.2 bilyon sa loob ng tatlong taon ang ibinayad ng DOT.
Sabi ni Gierran, dapat ay nag-bidding uli ang DOT dahil nu’ng in-extend ang kontrata nung Enero 2012 ay itinaas ang halaga mula sa orihinal na presyo ng P200 milyon tungo sa P400 milyon. Nu’ng in-extend uli ni Jimenez ng pangalawang beses ang kontrata nu’ng September 2013 ay tumaas uli ang presyo nito sa P600 milyon.
Ayon kay Gierran, nadiskubre ng mga imbestigador ng NBI na hindi dapat ibinigay sa ad agency ang kontrata nu’ng nagkaroon ng bidding noong 2012 dahil hindi nito naisumite ang lahat ng mga dokumentong hiningi ng DOT Special Bids and Awards Committee na humawak ng bidding para sa proyekto.
Ngunit hindi umano sinunod ni Jimenez ang patakaran na dapat ay ma-disqualify na ang kumpanya dahil ibinigay pa rin dito ang P200 milyon na kontrata para sa advertising campaign nu’ng October 2012, at dalawang ulit pang na-extend, dagdag ni Gierran.
Kasama sa mga kinasuhan ng NBI sa Ombudsman sina DOT Undersecretary Benito C. Bengzon Jr. na noon ay isang Assistant Secretary sa DOT, Atty. Guiller Asido, ang dating Chief Operating Officer ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) at ngayon ay administrator ng Intramuros Administration, at dalawang opisyal ng naturang ad agency.