MANILA, Philippines — Nanawagan si Sen. Bam Aquino sa pamahalaan na unahin ang kapakanan ng manggagawang Pilipino at protektahan ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng tamang polisiya at pagkilos.
“Dapat isipin ng pamahalaan sa bawat desisyon at reporma ang kapakanan ng mga Pilipinong nagtatrabaho tulad ng mga magsasaka, mangingisda at OFWs. Subalit sila ngayon ang binibigo ng administrasyon,” wika ni Sen. Bam, isa sa apat na bumoto kontra sa ratipikasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act.
Iginiit ni Sen. Bam na ang tax reform ng pamahalaan ay nakabigat lang sa mga manggagawang Pilipino bunsod ng pagtaas ng presyo ng bilihin at potensiyal na pagkawala ng kabuhayan.
Ayon pa sa senador, ang pagtutulak ng administrasyon na maisabatas ang ikalawang tax reform package, na mag-aalis sa insentibo sa mga kumpanya, ay hahantong sa pagkawala ng trabaho ng maraming Pilipino.
Kamakailan, inihain ni Bam ang Senate Resolution 704, na humihinging repasuhin ang TRAIN Law, sa pagsasabing nauwi ito sa pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo na nakabibigat sa mga Pilipino, lalo na sa mga ordinaryong manggagawa.
Isinumite rin nito ang Senate Resolution 597, na humihikayat sa kaukulang komite ng Senado na imbestigahan ang implementasyon ng unconditional cash transfer para matiyak kung sasapat ito sa pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.
Binanggit din ang desisyon ng pamahalaan na alisin ang limitasyon sa pag-aangkat ng bigas ay makakaapekto sa trabaho ng mga magsasaka, na umaasa sa ani para sa kanilang ikabubuhay.
Ngayong 17th Congress, naghain si Bam ng ilang panukala na nakatuon sa kapakanan ng manggagawang Pilipino, kabilang ang OFWs, freelancers at reservists.