Malasakit Center inilunsad ni Bong Go
MANILA, Philippines — Pinangunahan kahapon ni Special Assistant to the President Bong Go ang paglulunsad ng Malasakit Center sa Cebu City katuwang ang Vicente Sotto Memorial Medical Center.
Ayon kay SAP Go, layon nitong matulungan ang mga kababayan na walang masyadong kakayanang magpagamot at makabili ng gamot.
Kinumpirma rin ni Sec. Go na base sa direktiba ni Pangulong Duterte, ang Malasakit Center ay magsisilbing one stop desk na magsisilbi sa bayan dahil bukas ito sa lahat ng tao.
Sinabi ni Go na ang inisyal na pondong P50 million na mula sa socio-civic fund ng Presidente mula sa dagdag na kita ng gobyerno mula sa buwis ng mga itinuturing na sin products tulad ng alak at sigarilyo ay gagawing buwan-buwan ng Office of the President
Inihayag din ni Go na nabahala si Pangulong Duterte sa mga sumbong na mahaba ang pila, walang pambili ng gamot at walang kakayanang magpadoktor kaya napagpasyahan itong ilunsad sa Cebu.
Tiniyak naman ni Go na hindi matatapos ang proyekto sa Cebu dahil plano na rin ng administrasyon na ilunsad ito sa Tacloban, Dumaguete at Bacolod city.
Una nang nasubukan ang naturang programa sa Davao City.
- Latest