207 barangay officials ‘hinubaran’

Iniharap sa mga mamamahayag nina House of Representatives Committee on Dangerous Drug Chairman Rep. Robert Ace Barbers, Philippine Drug Enforcement Agency Director Gen. Aaron Aquino, Interior Secretary Eduardo Ano at Dangerous Drug Board Chairman Catalino Cuy ang listahan ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa droga.
Kuha ni Boy Santos

Kaso sa droga isasampa ng PDEA

MANILA, Philippines — Tuluyang ‘hinubaran’ at inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency ang pangalan ng 207 barangay official na sinasabing protektor at sangkot sa pagtutulak ng bawal na gamot sa bansa.

Sa isang pulong-balitaan kahapon, inilabas ni PDEA Director General Aaron Aquino ang pangalan ng 90 barangay chairmen at 117 kagawad na umano’y may kinalaman sa pagpapakalat ng shabu sa kani-kanilang nasasakupan. 

Ayon kay Aquino, ka­ramihan sa mga nasa narco list ay mula sa  lalawigan partikular sa Bicol na nasa 70 executives; 34 sa Caraga, 13 Autonomous Region in Muslim Mindanao at iba pang panig ng bansa.

Tinukoy din na 12 sa listahan ay mula sa NCR partikular sa Tondo, Quezon City at Malabon.

Sinabi ni Aquino inihahanda na nila ang pagsasampa ng demanda laban sa mga natukoy na ‘narco list’.

“Isang linggo mula ngayon ay kakasuhan na namin ang mga ito,” ani Aquino

Iginiit ni Aquino na ang pagpapalabas nila ng mga pangalan ay upang magbigay ng impormasayon at babala sa publiko na huwag silang iboto sa Barangay at Sangguniang Kabataan election sa Mayo 14.

Tahasan namang sinabi ng Commission on Elections na wala silang nakikitang problema sa paglalabas ng PDEA at ng Department of Interior and Local Government ng narco list na kinabibila­ngan ng barangay officials kaugnay sa nalalapit na  Barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Ayon ay Comelec Spokesman James Ji­menez, kahit sino ay maaaring maglabas ng  listahan ng mga sangkot sa iligal na droga hangga’t may sapat na basehan.

Sa kabila nito, sinabi pa ng Comelec na hindi naman sila maaaring mag­tanggal ng listahan  ng mga kandidato ng  dahil lamang sa narco list.

Aminado ang Comelec na wala naman silang magagawa dito dahil nasa kamay na ng  botante kung sino ang kanilang  iluluklok.

Show comments