DOT ad sisilipin ng Palasyo

Sa hiwalay na pulong-balitaan, sinabi ni Teo na dapat habulin ng Commission on Audit ang PTV-4 na pag-aari ng gobyerno at hindi ang DOT.
File

‘PTV-4 ang dapat habulin ng COA’- Teo

MANILA, Philippines —Iimbestigahan ng Malakanyang ang P60-million ad placement ng Department of Tourism sa programa ng isang kapatid ni DOT Secretary  Wanda Teo na blocktimer sa People’s Television Network.

Sa hiwalay na pulong-balitaan, sinabi ni Teo na dapat habulin ng Commission on Audit ang PTV-4 na pag-aari ng gobyerno at hindi ang DOT. Dapat anyang alamin ng COA kung bakit ang pondo para sa ad placement na halagang P60 milyon ay napunta sa media company na pag-aari ng kapatid ng kalihim.

Idiniin ni Teo na ang kontrata para sa natu­rang advertisement ay sa pagitan lang ng  DOT at ng naturang TV station kaya ito ay government to government contract at dumaan sa bidding process.

Sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang dahilan para iwanan ni Teo ang DOT habang iniimbestigahan ng Palasyo ang kontrata na sumalamin sa 2017 audit report ng COA.

Sinabi ni Roque na nakarating na sa kaalaman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang detalye ng report ng COA.

“Tiniyak ko sa inyo, iimbestigahan ng Palasyo ang usapin. Kailangang tanggapin natin ang findings ng COA. Sa pagkakaintindi ko, final na ang finding. Magsasagawa ang Palasyo ng sarili nitong imbestigasyon,” sabi pa ni Roque.

Idinagdag naman ni Teo na ang tsekeng ipina­labas ng DOT ay payable sa PTV-4 at, sa kanyang kaalaman, walang napunta sa Bitag Media Unlimited Inc. na ang chief executive officer ay kapatid niyang si Ben Tulfo.

Iginiit ni Teo na wala siyang idea na ang advertisement ay ipapalabas sa show na ‘Kilos Pronto’ ng kapatid niyang si Ben sa PTV-4.

Sinabi naman ni  Tulfo sa isang pahayag na aboveboard ang kanilang transaksiyon sa PTV-4.

“Kumpleto kami sa mga papeles na aming pi­nirmahan at lahat ng mga requirement sa proseso sa loob ng gobyerno,” sabi ni Tulfo sa Facebook page ng kanyang radio / television show na Bitag Live.

Show comments