MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ni Pangulong Duterte ang pagtanggal sa “comfort woman” statue sa Roxas Boulevard, Maynila at iginiit na puwede naman itong ilipat sa ibang lugar na hindi naman makakainsulto sa Japan.
Tinanggal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang 7-foot na estatwa noong Biyernes para sa drainage improvement project.
Sinabi ng Pangulo sa media interview sa Davao City pagkagaling sa Singapore, hindi nga niya alam na mayroong estatwa ng comfort women at kung sino ang nag-alis nito.
“We can place it somewhere else. If you want to place in a private property, fine. But do not use... because that issue... in so far as I’m concerned, tapos na ‘yan,” paliwanag pa ni Duterte sa kanyang speech sa Davao City.
“The Japanese has paid early for that. ‘Yung reparation started many years ago. So huwag na lang natin insultuhin. But if there is what you would call a memorial for an injustice committed at one time, it’s all right,” dagdag pa ng Pangulo.
Aniya, hindi rin policy ng gobyerno na hiyain o kalabanin ang ibang nasyon pero kung nakatayo ang estatwa sa isang pribadong lugar ay kikilalanin ito ng Estado.
Paiimbestigahan naman sa Kamara ng grupong Gabriela ang umanoy mala “ninja” na paraan ng pag-aalis ng estatwa ng comfort women sa Roxas Boulevard.
Sinabi ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, na mariin nilang kinokondena ang pag-aalis ng naturang estatwa na nagpapakita ng pang-aabuso umano ng mga Hapon sa mga Pinay noong panahon ng giyera.