MANILA, Philippines — Idineklarang persona non grata ng Kuwaiti Foreign Ministry si Philippine Ambassador Renato Villa kasunod ng kontrobersiyal na pagsagip sa ilang nagipit na OFWs sa naturang bansa sa Middle East.
Bukod dito, sinabi ng Department of Foreign Affairs na nagpalabas din ng “warrant of arrest” ang Kuwaiti authorities laban sa tatlong Filipino diplomatic personnel at inaresto ang apat pang Pinoy na kinuha ng Embahada ng Pilipinas sa kanilang rescue mission.
Binigyan lamang ng isang linggo ng Kuwaiti government si Amb. Villa upang lisanin ang Gulf state matapos siyang ideklarang persona non grata.
Ang pagpapatalsik kay Villa ay nangyari isang araw makaraang humingi ng paumanhin si Foreign Affair Secretary Alan Peter Cayetano kaugnay sa nag-viral na video na sinasagip ng ilang tauhan ng rapid response team ng DFA ang ilang OFW mula sa bahay ng kanilang mga amo.
Hindi ikinatuwa ng pamahalaan ng Kuwait ang nangyari at ipinatawag si Villa.
“I apologize to my counterpart, we apologize to the Kuwaiti government, Kuwaiti people and leaders of Kuwait if they were offended by some actions taken by the Philippine Embassy in Kuwait,” sabi ni Cayetano.
Ginawa ng kalihim ang paghingi ng paumanhin matapos makausap ni Pangulong Duterte sa Presidential Guest House sa Davao City nitong Lunes ng gabi si Kuwaiti Ambassador Musaed Saleh Ahmad Althwaikh.
Maging ang ambassador ng Kuwait sa Pilipinas ay pinauwi na rin sa kanilang bansa kasunod ng pagdedeklara na persona non grata kay Villa.
Alam na umano ni Villa ang naging desisyon ng Kuwait pero tumanggi muna siyang magbigay ng pahayag.
Ikinagulat din ng Malacañang ang naging desisyon ng Kuwaiti government dahil naging maayos naman ang pakikipag-usap ng Kuwaiti ambassador kay Pangulong Duterte sa Davao City kamakailan.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang pagpapauwi ng Kuwait kay Ambassador Villa ay taliwas sa naging usapan sa pagitan nina Pangulong Duterte, DFA Secretary Cayetano at Ambassador ng Kuwait sa Pilipinas.
Umaasa pa rin ang Palasyo na matutuloy ang nakatakdang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait para sa poteksyon ng mga OFW sa Gulf state.