Sa pagsasara ng Boracay: Iba pang tourist spots aalagwa – Angara

MANILA, Philippines – Sa pagsasara ng isla ng Boracay, umaasa si Sen. Sonny Angara na mabibigyang pansin naman ang iba pang magagandang tourist destinations sa bansa.

Nanawagan ang senador sa gobyerno na pangunahan ang promosyon ng iba pang tourist spots sa bansa upang matiyak na hindi manamlay ang buong turismo.

“Habang sumasailalim sa rehabilitasyon ang Boracay, napakarami pang ibang magaganda at world-class tourist spots sa bansa na dapat nating ipagmalaki,” wika ni Angara.

BASAHIN: Boracay shutdown umpisa na ngayon

“Ito na ang tamang panahon upang makatulong ang mga lugar na ito na panatilihing malusog ang ating turismo at pagkakataon na rin ito upang hindi lamang Boracay ang makilala sa buong mundo kundi maging ang iba pang tourist destinations sa Pilipinas," dagdag niya.

Kabilang sa mga dapat ipagmalaki ayon sa senador ang Sorsogon, Leyte, Negros Oriental, Zamboanga, Catanduanes at Siquijor, na aniya'y ilan lamang sa mga mahihirap na lalawigan sa bansa subalit may malaking potensyal na maging kaakit-akit sa mga dayuhan at lokal na turista dahil sa napakagagandang dalampasigan ng mga ito.

Bilang isa sa mga awtor ng Tourism Act of the Philippines, binigyang-diin ni Angara na isa ang turismo sa mga nagpaparami ng nalilikhang trabaho at isa rin sa nagpapalusog sa ating ekonomiya.

“Liban sa trabaho, turismo rin ang nagiging kabuhayan sa mga lokalidad. Kahit iyong mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral ay maaaring kumita sa pagtu-tour guide o sa pagtitinda ng souvenir at iba pa,” saad pa ng senador.

Sa kabila nito, pinaalalahanan ni Angara ang mga lokal na pamahalaan na paghandaan ang pagpasok ng mga turista upang hindi magaya sa sinapit ng Boracay.

“Dapat ay magsilbing aral na sa lokal na turismo ang sinapit ng Boracay. Kaya't nananawagan tayo sa mga sangay ng gobyerno na may kinalaman sa mga ganitong usapin, gayundin sa mga lokal na  pamahalaan na istriktong ipatupad ang mga batas na nangangalaga sa kalikasan," patuloy ni Angara na chairman ng local government committee ng Senado.

Ipinasara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamosong tourist destination sa buong mundo upang maipatupad ang rehabilitasyon.

Related video:

Show comments