MANILA, Philippines — Nakauwi na sa bansa ang huling batch ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs), na nakinabang sa programa ng amnestiya na ibinigay ng gobyerno ng Kuwait, kahapon ng umaga.
Ang amnesty program ng Kuwaiti government ay napaso noong Abril 22 kaya naman uumpisahan na nila ang door to door crackdown sa mga undocumented at illegal alien sa kanilang lugar ngayon.
Ayon sa ulat, may 215 OFWs kabilang ang mga bata ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sakay ng eroplanong Qatar Airways flight QR - 934. Tatlo sa mga OFWs ang hindi nakasakay ng eroplano samantala ang pito pa sa mga ito ay hindi nagpakita sa paliparan para umalis ng Kuwait.
Sa pagdating ng mga ito sa NAIA ay binigyan sila ng pamahalaan ng P5,000 bawat isa bilang initial cash assistance.
Samantala, umabot na sa mahigit limang libong OFWs ang naibalik ng gobyerno sa bansa sa ibinigay na amnesty program ng Kuwait government simula pa noong Enero.