MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng militar na isang 15-anyos na menor de edad na rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napaslang sa pakikipag-engkuwentro sa tropa ng militar sa Brgy. Astorga, Sta. Cruz, Davao del Sur .
Ayon kay Lt. Col. Rhojun Rosales, Commander ng Army’s 39th Infantry Battalion, ito’y matapos na positibo nang kilalanin kahapon ng kaniyang pamilya ang napatay na rebeldeng binatilyo.
Tinukoy ni Rosales ang nasawi na si Rondo Ondo, ng Sitio Tombo, Brgy. Old Bulatukan, Makilala, North Cotabato.
Ang nasawing NPA ay una nang inilagak sa Funeral Parlor sa Sta. Cruz, Davao del Sur kung saan kahapon ay nakilala ito matapos na magtungo sa punerarya ang ina na si Marissa Ondo na kumilala rito.
Sinabi ng opisyal na ang bangkay ni Ondo ay narekober habang nakasuot ito ng kulay itim na uniporme ng NPA fighers at nakuha rin sa tabi ng bangkay nito ang isang M16 rifle.
Kinondena naman ni AFP–Easten Mindanao Command Chief Major Gen. Benjamin Madrigal ang panlilinlang ng CPP-NPA sa kanilang mga recruits kung saan ay ginagamit ng mga itong frontliner sa bakbakan ang mga bagong recruits na menor de edad.