Biyahe ng Pangulo sa Kuwait, hiling ipagpaliban

MANILA, Philippines — Hiniling ni ACT-OFW Rep. Aniceto John Bertiz sa Department of Foreign Affairs na ipagpaliban muna ni Pangulong Duterte ang nakaplanong biyahe niya sa Kuwait.

Sa gitna ito ng tensyon sa relasyon ng dalawang bansa matapos magprotesta ang Kuwait sa mga naging pahayag ni Ambassador Renato Villa at ang nag-viral na video ng pag rescue ng mga problemadong overseas Filipino worker doon.

Ayon kay Bertiz, mismong si Foreign Affair Secretary Alan Peter Cayetano na ang nagsabi na baka matuloy ang biyahe ng Pangulo sa Kuwait pagkatapos ng buwan ng Ramadan.

Subalit mas mabuting ayusin muna ang anumang gusot sa pagitan ng dalawang bansa bago ituloy ang biyahe ng Pangulo lalo pa at kritikal ang relasyon ng mga ito.

Ipinahihinto naman ng Kongresista sa Rapid Rescue Team ng bansa ang pag-upload ng video ng rescue ng mga OFWs dahil dapat umanong isaalang alang na maaari itong makasama sa kalagayan ng 50,000 pang undocumented OFWs na nananatili sa Kuwait.

Ang kailangan umano na manatili ang hinahon para hindi magatungan pa ang tensyon.

Show comments