400 GSIS scholarship bukas na sa mahihirap, may kapansanan at katutubo

MANILA, Philippines — Hinikayat ng Government Service Insurance System (GSIS) ang mga dependents ng mahihirap nilang miyembro na samantalahin ang nasa 400 scholarship na ibinibigay nila ngayong taon para sa school year 2018-19.

Sinabi ni GSIS President Jesus Clint Aranas na bukod sa mga anak o dependent ng mahihirap na miyembro, nasa 40 slot rin ang inilaan nila para sa estudyanteng anak ng mga pensioner nila na may kapansanan, miyembro ng ‘indigenous people’, at mga ‘solo parent’.

Maaari i-nominate ng mga kuwalipikadong GSIS members ang kanilang mga anak o dependent para sa scholarship kung mga ‘incoming freshmen’ para sa apat o limang taong kurso sa anumang kolehiyo o unibersidad na kinikilala ng Commission on Higher Education (CHED).

Sa ilalim ng GSP, nasa P40,000 halaga ng tuition fee at miscellaneous fees ang sasagutin ng GSIS kada taon. Makakatanggap rin ang 400 scholars ng P3,000 allowance kada buwan.

Makakatanggap naman ng insentibo mula P20,000, P30,000, at P50,000 ang mga scholar na makaka-graduate na may Latin ho­nors na cum laude, magna cum laude, at summa cum laude, base sa pagkakasunod.

 Nag-umpisa ang pagtanggap ng nominasyon nitong Abril 16 at magtatapos sa Hunyo 15. Maaaring makakakuha ng GSP application forms sa internet sa pag-log sa www.gsis.gov.ph. Maaari ring mag-email sa gsisscholarship@gsis.gov.ph o tumawag sa (02)976-4970.

Show comments