MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na magbibigay sila ng free ride sa Mayo 1 bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-116 anibersayo ng Araw ng Paggawa sa bansa.
Ang libreng sakay sa mga manggagawang Pinoy ay ipatutupad batay na rin sa kahilingan ng Department of Labor (DOLE).
Pasisimulan ang libreng sakay ng alas-7:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga at mula 5:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi sa Mayo 1.
Kinakailangan lamang umanong magprisinta na company identification cards ng mga manggagawa mula sa private at public sector upang maka-avail ng libreng sakay.
Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) mula sa Taft Avenue, Pasay City hanggang North Avenue, Quezon City at vice versa.