MANILA, Philippines — Kasado na ang ipatutupad na seguridad ng Philippine National Police (PNP) upang tiyakin na magiging mapayapa at maayos ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa darating na Mayo 14.
Ayon kay PNP Chief P/Director Oscar Albayalde, mahigpit na tututukan ang mga lugar kung saan mainit ang labanan ng mga kandidato upang maiwasan ang pagdanak ng dugo.
Patuloy din ang mahigpit na kampanya laban sa mga loose firearms o mga baril na walang lisensya upang hindi ito magamit sa karahasan partikular na ng kampo ng magkakalabang kandidato.
Una rito, tinukoy ng PNP na nasa 5,477 lugar ang election areas of concern o mga hotspots sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Samantala, humingi naman ng pang-unawa si Albayalde sa mga nagrereklamong sibilyan dahil sa ipinatutupad na checkpoints sa mga istratehikong lugar sa bansa.
“Sa mga tao natin, we would like to appeal for their understanding and cooperation. Para po sa atin lahat iyan, remember we have the gun ban now,” anang PNP Chief.
Nagsimula ang election period noong Abril 14 at tatagal hanggang Mayo 21 ng taong ito.