MANILA, Philippines — Nasa 26 Pinay domestic helpers na minaltrato ng kanilang amo sa Kuwait ang naisalba ng response team ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa loob lamang ng dalawang linggo.
Nitong Abril 7 nang simulan ang pagsagip sa buhay ng mga OFW sa Kuwait.
Sa talaan ng DFA, bumaba sa 132 mula sa 200 Pinay DH ang umapela sa ahensiya nito lamang ilang linggo.
Ayon kay DFA Assistant Secretary Elmer Cato, patuloy ang pagkilos ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait upang matunton at maisalba ang mga Pinay household workers na pinagmamalupitan ng kanilang mga amo.
Ayon sa opisyal, pinupuntahan ng rescue team ang mga tirahan na ibinigay ng OFW na humihingi ng tulong at sinasabihan ang employer na i-turn over sa kanila ang Pinay worker.
Kung may mga sugat at galos ang OFW, tinatawagan naman ng rescue team ang Kuwaiti Police at ang embahada ng Pilipinas.
Iba rin ang hakbang na ginagawa ng team kung ang kaso ay may sekswal at pisikal na pag-abuso.
Ilang linggo mula ngayon magtutungo sa Kuwait si Pangulong Duterte at ilang mataas na opisyal ng pamahalaan upang saksihan ang paglagda sa memorandum of understanding (MOU) na tumatalakay sa kaligtasan at proteksiyon ng mga OFW sa naturang bansa.
May kaugnayan ang MOU sa pagpapatigil ng pamahalaan ng Pilipinas sa pagpapadala ng bagong OFWs sa Kuwait matapos ang sunud-sunod na ulat nang pang-aabuso sa mga ito.
Kabilang sa insidenteng ito ang pagpatay kay Joanna Demafelis na natagpuan sa loob ng freezer sa apartment na inabandona ng kanyang mag-asawang amo.
Dumating sa Kuwait ang mga opisyal ng DFA nitong Biyernes (Abril 21) upang manmanan ang pagpapauwi sa mga OFW dalawang araw bago ang pagtatapos ng amnesty na ibinigay ng pamahalaan ng Kuwait sa mga undocumented at overstaying foreign workers.