MANILA, Philippines — Binalewala ng Sandiganbayan 6th Division ang kahilingan ng akusado sa P50 milyong suhulan sa Bureau of Immigration na mailipat ng kulungan.
Sa halip ay inutusan ng korte ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na tiyakin ang kaligtasan ng umano’y middleman ng negosyanteng si Jack Lam na si Wally Sombero Jr.
Matatandaan na hiniling din ng mga akusadong sina dating Immigration deputy commissioners Al Argosino, Michael Robles na makulong sa PNP Custodial Center subalit binawi nila ang mosyon.
Base sa comment na ipinadala ng PNP sinabi nila na ang Custodial Center ay ginagamit lamang bilang ‘temporary or transient basis’ habang nagsasagawa pa ng custodial investigation sa mga kaso.
Kaya isa ito sa ginamit na dahilan ng korte upang hindi pagbigyan ang hiling ni Sombero, na nais makulong sa kustodiya ng PNP dahil siya ay komportable sa kanilang pangangalaga bilang dating pulis.