Pagbasura ng PET sa 1/4 shading sa balota inapela ni Robredo

Ang apela ay may kinalaman pa rin sa electoral protest sa pagitan nila ni dating senador Bongbong Marcos kaugnay ng laban sa pagka-bise presidente noong 2016 elections.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Personal na inihain ni Vice Pres. Leni Rob­redo ang kanyang motion for reconsideration sa Presidential Electoral Tribunal (PET) kaugnay sa ginawang pagbasura sa hiling niya na bilangin bilang lehitimong boto ang 25-percent threshold na shading sa balota. 

Ang apela ay may kinalaman pa rin sa electoral protest sa pagitan nila ni dating senador Bongbong Marcos kaugnay ng laban sa pagka-bise presidente noong 2016 elections.

Iginiit ni Robredo sa kanyang apela na inalis ng Commission on Elections (Comelec) ang 50-percent threshold o kalahating shade sa balota para bilangin bilang lehitimong boto base sa inisyu nitong Resolution Number 9164.

Aniya, ang 25-percent threshold ay ginamit na rin ng Comelec noong May 2016 National and Local Elections.

Ang panuntunang ito ay ipinabatid din umano ng Comelec sa PET noong September 2016.

Giit ni Robredo, pareho naman silang makikinabang ni Marcos sa 25-percent threshold.

Nilinaw pa ng bise presidente na hindi nila layuning maantala ang usad ng revision o ma­nual recount sa inihain nilang mosyon.

Nauna nang ibinasura ng PET ang kahili­ngang ito ni Robredo dahil wala umano itong pinagbabatayang panuntunan.

Show comments