MANILA, Philippines — Hihilingin ni Senate President Koko Pimentel kay Pangulong Duterte na mangampanya para sa senatorial candidates ng PDP-Laban sa susunod na taon.
Ayon kay Pimentel, mabigat rin ang papel na gagampanan ng Pangulo sa pagpili ng mga kandidato ng partido.
Si Duterte rin umano ang magiging “main campaigner” ng kanilang mga kandidato.
“Mabigat ang role niya (Duterte) sa pagpili. We will defer to his final decision because my plan is to ask him to be main campaigner for senatorial, not the campaign manager ha, the campaigner,” sabi ni Pimentel.
Ginawa ni Pimentel ang pahayag matapos ilabas ang listahan ng nasa 20 posibleng maging kandidato ng PDP-Laban.
Ibibigay umano ang nasabing listahan sa Pangulo at maaari rin itong magbigay ng kanyang sariling listahan ng mga gustong maging kandidato sa Senado.
Samantala, idinagdag ni Pimentel na titingnan rin nila ang naging serbisyo sa partido ng mga gustong makasama sa kanilang pinal na listahan.
“Service to the party yan ang dapat gawin, hindi lang dahil sa sikat ako, member ako ng party yon na. Automatic na tinitingnan natin ang service to the party, manilbihan naman sa partido tulungan naman ang partido, ang number one advocacy natin Federalism. Magpakita naman sila na active sila sa Federalism movement to educate the people, gamitin nila yong talent nila,” sabi ni Pimentel.