MANILA, Philippines — Inako ni Pangulong Duterte ang responsibilidad sa pagka-aresto sa Australian missionary na si Sister Patricia Fox.
Sinabi ng Pangulo kahapon sa turnover ceremony sa liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP), siya mismo ang nag-utos sa Bureau of Immigration para imbestigahan ang nasabing madre.
“I am the one who ordered the Bureau of Immigration to “invite” Australian nun Sister Patricia Fox to be investigated for her “disorderly conduct,” wika pa ng Pangulo.
Aniya, inaako niya ang full responsibility sa naging aksyon ng Bureau of Immigration tungkol kay Sister Fox.
Dahil dito, winika pa ng Pangulo, siya na ang magsasabi kung sino ang mga puwedeng pumasok at palabasin ng bansa.
‘Beginning today, I will decide who gets in and who gets out. Don’t mess up the sovereignty of this country,” dagdag pa ng Pangulo.
“Kayong mga Left, do not ever try to invite, I will not allow them in this country. If they decide to enter surreptitiously, they will be arrested,” giit pa ni Duterte.
Aniya, nakalaya lamang ang madre dahil hindi siya nahuli sa akto na kasama sa kilos-protesta.
Magugunita na inaresto ng BI ang madre sa tinutuluyan nito sa Quezon City noong Lunes ng hapon batay sa mission order na nilagdaan ni Immigration Commissioner Jaime Morente dahil umano sa pagsama sa mga kilos-protesta sa bansa.
Kinatigan naman ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang pag-aresto ng BI agents kay Fox dahil sa paglabag nito sa immigration laws.
Winika pa ni Sec. Guevarra, walang kinalaman sa religious advocacy ni Sister Fox ang pag-aresto rito kundi may nilabag siyang batas ng bansa.
Pinalaya naman kamakalawa ng BI ang madre matapos maipakita ng abogado nito ang valid missionary visa at pasaporte ng Australian missionary.
Kamakailan ay hindi naman pinayagan ng BI na makapasok ng bansa ang deputy secretary-general ng Party of European Socialists na si Giacomo Filibeck ng lumapag ito sa Cebu International Airport dahil dadalo ito sa isang aktibidad ng Akbayan sa Cebu.
“Pupunta siya dito to participate sa isang political convention na ipinagbabawal ng batas. Mayroon tayong kapangyarihan na tanggihan ang mga dayuhan na pumasok sa ating teritoryo,” paliwanag naman ni Presidential Spokesman Harry Roque.