Dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin
MANILA, Philippines — Matapos ang serye ng konsultasyon sa urban poor communities, muling iginiit ni Sen. Bam Aquino ang pagbusisi sa tax reform program ng pamahalaan, sa pagsasabing maraming pamilya na ang nabibigatan sa pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.
“Marami nang dumadaing at naaalarma sa mataas na presyo ng bilihin na dulot ng tax reform program ng pamahalaan,” wika ni Aquino patungkol sa Republic Act No. 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act.
“Karamihan sa mga nakausap namin, nagrereklamo na dati piso-piso lang ang taas, ngayon ang laki na. Ang laki na ng nabawas sa nabibili nating grocery para sa ating pamilya,” dagdag ng senador.
Habang kinilala ni Sen. Bam na napataas ng TRAIN ang take-home pay ng ordinaryong manggagawa, karamihan sa kanila ay nagsasabing hindi ito sapat para matapatan ang pagtaas ng presyo ng bilihin sa merkado.
Kamakailan, inihain ni Aquino ang Senate Resolution No. 704, na humihingi sa kaukulang komite ng Senado na tingnan ang epekto ng TRAIN sa inflation at ekonomiya, lalo na ang increase sa excise tax na P7 at P2.50 sa gasoline at diesel, ayon sa pagkakasunod.
Nang aprubahan ng Kongreso ang dagdag na excise taxes sa TRAIN Law, tiniyak ng Department of Finance sa mga mambabatas na ang epekto nito sa inflation ay hindi hihigit sa 0.7 porsiyento.
Subalit, batay sa bagong data ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo ang inflation rate ng bansa sa 4.3 porsiyento noong Marso, malayo sa pagtaya ng pamahalaan na dalawa hanggang apat na porsiyento.
“Ngayong lumampas na ang inflation sa pagtaya ng pamahalaan, marapat lang na muli nating pag-aralan ang pagpapataw ng excise tax sa produktong petrolyo,” wika ng senador.
Kamakailan, inihain ni Aquino ang Senate Resolution No. 597 na humihikayat sa kaukulang komite ng Senado na imbestigahan ang implementasyon ng unconditional cash transfer para matiyak kung sasapat ito sa pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.