P59.8M nawawalang allowance ng SAF iimbestigahan ng Senado
MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ni Senator Panfilo Lacson kung saan napunta ang P59.8 milyon na dapat ibinigay sa mga tauhan ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) bilang karagdagang subsistence allowance.
Mismong ang Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Lacson ang magsasagawa ng imbestigasyon.
“We cannot allow, yet again, another injustice to be committed against our heroes in uniform who are in the forefront of our fight against the ills of terrorism and criminality, lest we risk demoralization within their ranks. Thus the need to probe into the said allegations,” dismayadong pahayag ni Lacson.
Sa ilalim ng mga umiiral na alituntunin, bawa’t isa sa 4,000 tauhan ng SAF ay makakatanggap ng karagdagang P30 daily subsistence allowance na kung susumahin ay papatak sa P900 kada buwan.
Pero batay sa mga lumalabas na record, hanggang Hulyo lamang ng 2017 nakatanggap ng naturang benepisyo ang mga tauhan ng SAF sa hindi malamang kadahilanan.
May mga tauhan pa ng SAF ang personal na lumapit sa tanggapan ni Lacson upang magpatulong na makuha ang nasabing benepisyo.
- Latest