MANILA, Philippines — Nakatulong si Special Assistant to the President Bong Go para mapabilis ang pagpapatibay sa Kongreso ng Bangsamoro Law.
Ito ang ipinahayag kahapon ni Ghazali B. Jaafar, first vice chairman ng central committee ng Moro Islamic Liberation Front at tagapangulo ng Bangsamoro Transition Commission.
Dahil dito, sinabi ni Jaafar na susuportahan ng MILF si Go sakaling magdesisyon itong kumandidatong senador.
Sinabi ni Jaafar na malaki ang paghanga niya kay Go na tinawag pa niyang “isang taong may integridad at kakayahan” bilang isa sa mapagkakatiwalaang tauhan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Malalim ang pag-unawa niya sa problema ng mamamayang Bangsamoro,” paliwanag ni Jaafar. “Lalo na ang kahalagahan ng pagtugon sa kanila para matiyak ang makatarungan at may dignidad na kapayapaan sa Mindanao. Mulat siya sa kung ano ang kailangan para matamo ang soco-economic prosperity ng bansa.”
Malaki aniya ang nagagawa ni Go para magkaroon ng komunikasyon at pagkakaisa ang mga tao sa Office of the President at iba pang ahensiya ng gobyerno.
“Sa pamamagitan niya, napabilis namin ang legislative process ng BBL sa dalawang kapulungan ng Kongreso. Sa mahalagang kontribusyon ni Secretary Bong Go, naniniwala ang liderato ng BTC na karapat dapat siyang endorso at suportahan sa 2019 senatorial election,” sabi pa ni Jaafar.