MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ni Vice President Leni Robredo na pera ng taxpayers ang ginastos niya sa kanyang biyahe sa bansang Germany noong nakaraang linggo.
Ayon kay Robredo, ang kanyang pagbisita sa Berlin ay ginastuan ng Friedrich Naumann Foundation (FNF).
“Taliwas sa mga pekeng balitang kumakalat sa internet na ginastusan umano ito ng pamahalaan ng Pilipinas, walang halagang siningil sa pamahalaan,” paliwanag ni Robredo sa kanyang Facebook page.
Ibinahagi rin ni Robredo ang link tungkol sa study tour ng FNF.
Sa website nito, sinabi ng FNF na ang nabanggit na study visits ay nakabatay sa hangarin ng FNF na suportahan ang mga lider at decision makers sa pamamagitan ng pagbibigay ng platforms para sa pagbabahagi ng kaalaman at pakikipagdiyalogo sa mga opisyal sa Germany at iba pang mga bansa.