Bato 'lowest point' bilang PNP chief ang kaso ng pagpatay sa Korean businessman

Nakatakdang iwanan ni Ronald dela Rosa ang PNP matapos maabot ang mandatory retirement age, ngunit hindi pa dito matatapos ang kaniyang paninilbihan sa gobyerno dahil pamumunuan naman niya ang Bureau of Corrections.

MANILA, Philippines – Sa kaniyang huling press briefing sa mga mamamahayag bilang hepe ng Philippine National Police, ibinahagi ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang lowest at highest point niya sa serbisyo.

“’yung lowest point ‘yung Jee Ick-Joo case, ‘yung pinatay dito sa loob ng kampo, umabot hanggang sa my voluntary resignation from this post," pahayag ni dela Rosa na nakatakdang bumaba sa pwesto sa Huwebes.

Nayanig ang buong kapulisan matapos masiwalat ang pag-kidnap at pagpaslang ng mga pulis sa Korean businessman na pinatay sa loob ng Camp Crame noong 2016.

Dahil dito ay sinuspinde ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng mga pulis sa war on drugs, habang binuwag din niya ang PNP-Anti-Illegal Drugs Group.

Samantala, nabanggit din ni dela Rosa ang pagharap niya sa Senado kung saan siya napaiyak na aniya’y dahil sa sama ng loob.

“Sunod na mas mababa ‘yung maharap ka sa Senate, defenseless ka, wala kang magaw kundi lamunin sa loob, tiniis ko nalang hanggang mapaiyak  ka nalng,” dagdag niya.

Dalawang beses napaiyak si dela Rosa sa pagdinig ng Senado at ang huli ay sa kaso ng pagpatay sa mga teenager sa Caloocan na sina Kian delos Santos at Carl Arnaiz.

Sa halos dalawang taon niya sa PNP ay nagpapasalamat si dela Rosa sa nakuhang suporta ng publiko sa kabila ng mga batikos sa madugong kampanya laban sa ilegal na droga.

“Highest point ko ‘yung magkagulo mga tao, lahat sila mag-congratulate sayo at magpa-selfie at magpasalamat sa ginagawa ng PNP ngayon sa war on drugs.”

Nakatakdang iwanan ni dela Rosa ang PNP matapos maabot ang mandatory retirement age, ngunit hindi pa dito matatapos ang kaniyang paninilbihan sa gobyerno dahil pamumunuan naman niya ang Bureau of Corrections.

 

Show comments