Duterte tiniyak ang tulong sa mga inaabusong OFW
MANILA, Philippines — Siniguro ni Pangulong Duterte na tutulungan ng gobyerno ang mga inaabusong OFW partikular sa Gitnang Silangan.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos makipagkita sa kanya ang OFW na si Pahim Alagasi sa Davao City na inabuso ng kanyang employer sa Saudi Arabia matapos makauwi ito ng bansa.
Pinagkalooban ng pinansyal na tulong ng Pangulo si Alagasi na bukod sa cash ay bibigyan din ng college scholarship ng gobyerno ang 2 anak nito.
Nabatid na binuhusan ng kumukulong tubig ang OFW ng ina ng kanyang employer sa Saudi Arabia may 4 na taon na ang nakakaraan.
Nagpasalamat naman ito kina Pangulong Duterte, Labor Sec. Silvestre Bello III gayundin sa Philippine embassy sa Saudi Arabia at kay Prince Nayef bin Abdulaziz Al Saud na nag-aprub sa kanyang exit visa.
Sinabi pa ni Duterte, hindi niya masisi ang mga OFW dahil nais lamang nitong bigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya kaya napipilitang mag-abroad.
- Latest