MANILA, Philippines — Nagpakalat na ng inisyal na 150 nurses ang Department of Health (DoH) para sa kabuuang 500 na planong italaga sa pagmomonitor ng mga kalagayan ng mga naturukan ng Dengvaxia vaccine.
Kinumpirma ni Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo na naaprubahan na ni Secretary Francisco Duque III ang deployment ng 150 nurses sa Central Luzon, Calabarzon region, National Capital Region, at sa Cebu.
Ang nasabing bilang ay orihinal na plano at ang pondo umano ay galing sa regular na budget ng DoH subalit ang karagdagang 350 ay plano pa lamang na pagkuha ng DoH sa oras na maaprubahan na ng Kongreso ang request na magamit ang P1.16 bilyon na inirefund na pera mula sa Sanofi Pasteur.
“So, yung original na 150, iyon yung nauna natin from the regular budget of the DoH doon sa deployment program natin. Yung 350, ayun yung awaiting pa natin na go signal from Congress for us to use the money,” ani Domingo.
Sa kasalukuyan, nakagastos na ang DoH ng P22-milyon para sa medikal ng nasa mahigit 3,000 pasyente na naturukan ng Dengvaxia vaccine.