MANILA, Philippines — Matapos magpatikim ng maliit na rolbak noong nakaraang linggo, muling magtataas ng presyo sa petrolyo ang mga kumpanya ng langis ngayong papasok na linggo.
Sa pagtataya ng mga eksperto, tinatayang maglalaro mula P.60 hanggang P.70 kada litro ang itataas sa presyo ng diesel habang nasa P.30 hanggang P.40 sentimos naman kada litro ang maaaring itaas sa gasolina.
Hindi rin ligtas ang kerosene o gaas na itataas naman ang presyo mula P.80 hanggang P.90 kada litro.
Inaasahan na ipatutupad ang paggalaw sa presyo ng petrolyo sa darating na Martes ng umaga ngunit maaari pang mabago ang mga presyo depende sa merkado sa cut-off tuwing Lunes ng gabi.
Noong nakaraang linggo, nagtapyas ng maliit na P.40 sentimos sa kada litro ng gasolina at P.30 sa diesel ang mga kumpanya ng langis.
Inaasahan naman na magpapatuloy ang pagtaas sa presyo ng petrolyo dahil sa dikta ng internasyunal na merkado.
Dulot ito ng panibagong giyera sa Syria at paglimita ng OPEC cartel at Russia sa produksyon ng langis.