Maglagak sa ‘PERA’ para sa pagreretiro

MANILA, Philippines — Hinikayat kahapon ni Sen. Sonny Angara ang lahat ng OFWs na mag-ipon bilang paghahanda sa kanilang pagreretiro sa takdang panahon sa pamamagitan ng paglalagak ng kanilang mga kinikita sa Personal Equity Retirement Account o PERA.

Ang PERA ang kauna-unahang voluntary retirement account na may kaakibat na mga insentibo sa buwis. 

“Malaking sakripisyo para sa ating mga OFW ang magtrabaho abroad at iwan ang kanilang pamil­ya para mabigyan sila ng magandang buhay. Ito ang dahilan kung bakit natin hinihimok ang lahat ng OFWs na mag-ipon at mag-invest ng kanilang pera sa siguradong paraan para matiyak ang maayos na kinabukasan ng kani-kanilang pamilya,” ani Angara, isa sa mga awtor ng PERA Law o Republic Act 9505.

Ang PERA ay isang vo­luntary at personal account na ang layunin ay matiyak na may maitatabing salapi ang isang OFW para sa kanya at sa kanyang pamil­ya at maaaring makapag-invest nang hanggang P200,000 taun-taon. 

Kung ang isang OFW ay kasalukuyang nasa abroad, maaaring ang kanyang anak na nasa hustong gulang, o ang kanyang asawa ang magbukas ng kanyang PERA account dito sa bansa. 

Ang mga non-OFWs ay maaaring makapag-contribute nang hanggang P100,000 kada taon at kahit na ang OFW  na kasalukuyang nasa abroad ay maaring makapagbukas ng account sa pamamagitan ng kanyang asawa o mga anak.

Pagsapit ng ika-55 taong gulang ng OFW, ang lahat ng kanyang nailagak sa PERA ay buo nyang makukuha nang walang pataw na buwis. 

Pinapayagan din ang early withdrawals sa kon­dis­yong umabot na sa limang taon ang kontribusyon ng isang miyembro.

Gayunman, may kau­kulang multa ang early with­drawals liban na lamang kung ang kasapi nito ay may malubha nang karamdaman, nagkaron ng matinding kapansa­nan dahil sa aksidente at wala nang kakayahang makapagtrabaho. 

Show comments