MANILA, Philippines — Upang mabawasan ang sobrang siksikan na mistulang mga sardinas sa mga detention cell ng pulisya, minamadali na ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang paglilipat ng mga inmates sa kustodya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ito ang inihayag kahapon ni PNP Spokesman Chief Supt. John Bulalacao matapos naman na walong preso ang isinugod sa pagamutan noong Miyerkules na dumaing ng sobrang init at dehydration sa siksikang jail facility sa Pasay City Police Station.
Gayunman, isa sa mga preso na kinilalang si Domingo delos Santos, 30 anyos ay binawian ng buhay sa pagamutan sanhi ng atake sa puso na isinisisi naman ng pamilya nito sa sobrang siksikang detention facility.
Inamin naman ni Bulalacao na limitado lamang ang maaring magkasyang inmates sa temporary detention cell ng mga himpilan ng pulisya kung saan sobrang dami ng mga nasasakote sa puspusang anti-drug campaign.?“ In as much as the PNP wants to address the issue on overcrowded detention cells, we have to accept the fact that we only have limited available facilities. Nonetheless, we are doing our best to include in the proposed budget the construction of new police station buildings with improved detention facilities,” pahayag ni Bulalacao.
Kabilang sa mga himpilan ng pulisya na sobrang siksikan ang mga preso sa mga detention facility ay ang Police Regional Office (PRO) IV A na may 172 detention cell kung saan ay 78 dito ang sobrang siksikan; PRO 3 na 47 ang siksikang mga selda sa kabuuang 157 detention facility habang ang National Capital Region Police Office na may 70 detention facility ay 29 naman ang sobrang siksikan ang mga inmates.