MANILA, Philippines — Simula ngayon ay babawal na ang pagbibitbit ng mga armas kasabay ng pagsisimula ng election period para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa May 14.
Sa ilalim ng Comelec Resolution 10246, ang gun ban ay epektibong ipatutupad ngayong Sabado mula alas-12:01 ng madaling araw at tatagal hanggang May 21, 2018 o sa kabuuan ng election period.
Bawal din sa nabanggit na panahon ang paggamit ng security personnel o bodyguard ng mga kandidato at ang paglilipat ng mga opisyal at empleyado na nasa civil service kabilang na ang mga public school teachers.
Hindi rin papayagan sa panahon ng election period ang pagsuspindi sa alinmang halal na opisyal sa lalawigan, lungsod, munisipalidad o barangay.
Magmula rin bukas hanggang May 14 na petsa ng eleksyon, bawal ang pamimili at pagbebenta ng boto, pagkalap ng pondo sa pamamagitan ng loterya o sabong gayundin ang pag-aalis, pagsira at pagbabawal na mamahagi ng mga ligal na election propaganda.
Samantala, simula na rin ng paghahain ng certificate of candidacy sa Office of the Election Officer sa mga lungsod at munisipalidad na tatagal naman hanggang April 20, 2018.
Maglalagay na rin ang Comelec ng checkpoint sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ang panahon ng kampanya ay magsisimula sa May 4 hanggang May 12.