MANILA, Philippines – Magsisimula na bukas ang election period para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections, ayon sa Commission on Elections.
Sa ulat ng Philippine News Agency, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na simula bukas, Abril 14, ay maaari nang magpasa ng certificates of candidacy (COC) ang mga nais tumakbo para sa eleksyon sa Mayo 14.
Bukas ang mga tanggapan ng Comelec mula alas-8 hanggang alas-5 ng hapon. Magsasara ang pasahan ng COC sa Abril 20.
Samantala, kasabay ng election period ang gun ban hanggang Mayo 21 kung saan magkakaroon ng mga checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Isang kapitan ng barangay at pitong kagawad ang ihahalal ng publiko, habang isang chair at pitong miyembro ang iluluklok para sa SK.
Ilang beses nang ipinagpaliban ang barangay at SK polls dahil na rin sa paniniwala ng gobyerno na nagsisimula ang pagkalat ng ilegal na droga dahil sa mga kasabwat na opisyal sa barangay.