MANILA, Philippines — Inatasan ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang kampo nina Vice President Leni Robredo at dating Senador Bongbong Marcos na magpaliwanag kung bakit nila isinisiwalat ang nagaganap na manual recount ng mga boto sa pagka-bise presidente noong May 2016 elections.
Sa inilabas na show cause order na may petsang Abril 10, 2018 na may lagda ni Atty. Edgar Aricheta, Clerk ng PET, binigyan ng tribunal ang magkabilang kampo ng 10 araw para magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat na patawan ng contempt dahil sa paglabag sa resolusyon na inisyu nito noong Pebrero 13 at Marso 20, 2018.
Sa nasabing mga resolusyon, inatasan ng PET ang kampo nina Marcos at Robredo na mahigpit na tumalima sa sub judice rule.
Pero sa kabila umano ng nasabing resolusyon, lumabas sa mga ulat sa media na nagpapahayag ng mga sensitibong impormasyon ang kampo nina Marcos at Robredo sa pamamagitan ng kanilang mga abugado o kinatawan kaugnay ng nagaganap na pagrepaso ng mga balota.
Iginiit ng PET na ang mga pahayag ng magkabilang partido na nailahad na sa PET o naghihintay na lamang ng resolusyon at maging ang mga pahayag na tumutukoy sa integridad ng proseso ng manual recount ay malinaw na sakop ng sub judice rule.
Nais ng PET na manatiling sagrado ng revision proceedings kaya kinakailangan umanong magpaliwanag ang kampo nina Marcos at Robredo kung bakit hindi sila dapat na patawan ng contempt.
Ang PET ay binubuo ng mga mahistrado ng Supreme Court En Banc.