MANILA, Philippines — Nakahanda umano si dating Pangulong Noynoy Aquino na harapin ang karagdagang reklamo o kasong isasampa kaugnay sa kontrobersyal na dengue vaccine.
Kahapon ay isiniwalat ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon ang resulta ng imbestigasyon ng komite hinggil sa isyu kung saan ay inihayag nitong dapat makasuhan ng technical malversation si Aquino, gayundin sina dating Budget Sec. Butch Abad, dating Health Sec. Janet Garin at iba pang personalidad.
Sinabi ni Atty. Abigail Valte, tumatayong tagapagsalita ni Aquino, lagi namang ipinapakita ni Aquino ang kanyang kahandaang sagutin ang lahat ng mga pagkuwestiyon sa mga naging desisyon bilang presidente noon.
Ayon kay Atty. Valte, patunay dito ang kanyang pagdalo sa legislative investigations at iba pang forum kaugnay sa Dengvaxia.
Kaya aasahan daw na hindi iiwasan ng dating pangulo ang panibagong reklamong isasampa mula sa committee report ng Senate Blue Ribbon.