Articles of impeachment vs Sereno isasalang agad

MANILA, Philippines — Mamadaliin at isasalang agad sa plenaryo ng Kamara ang articles of impeachment laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ito ang siniguro nina House Speaker Pantaleon Alvarez at House Justice Committee Chairman at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali matapos na ihayag ni Pangulong Duterte na bilisan ang impeachment proceedings laban sa punong mahistrado.

Sinabi ni Umali na isasalang na nila sa pagbubukas ng sesyon ?sa Mayo 14 o 15 ang articles of impeachment laban kay Sereno at kaagad nila itong  pagbobotohan.

Kaya sa pagtaya ng kongresista, isa o dalawang araw ay tapos na ang proceedings at iaakyat na nila ito sa Senado na magsisilbing impeachment court.

Giit pa niya, lalo at may pakiusap ang Pangulo at dahil super majority naman ang PDP-Laban sa Kamara kaya agad na matatapos ang proceedings.

Matatandaan na inaprubahan ng komite noong Marso bago mag-session break ang kongreso ang anim na articles of impeachment kung saan 24 ?sa 27 na alegasyon na inihain ni Atty. Larry Gadon ang kasama dito.

Show comments