MANILA, Philippines — Nasa 53 lugar sa Metro Manila ang tinukoy ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nasa election watchlist o mga hotspots na mahigpit na babantayan kaugnay ng idaraos na Barangay at Sanggunian Kabataan (SK) elections sa darating na Mayo 14.
Sinabi ni incoming PNP Chief at kasalukuyang NCRPO Director Oscar Albayalde, upang matiyak ang seguridad at mapayapang halalan ay 15,000 pulis ang ipakakalat ng NCRPO sa mga polling precints sa araw ng botohan at maging sa bilangan gayundin sa pagpoproklama ng mga nagwaging kandidato.
Tinukoy ang mga “hot spots” sa mga barangay sa hilaga at katimugang bahagi ng Metro Manila na kinabibilangan ng Navotas, Caloocan at Taguig dahil sa mainit na labanan ng mga kandidato.
Ang nasabing mga lugar ay dati nang nakapagtala ng karahasang may kinalaman sa Barangay at SK elections noong 2013.?
Binigyan na ng direktiba ni Albayalde ang mga pulis na magpatupad ng maigting na police visibility at mga checkpoint. Nakalatag na rin ang seguridad na ipatutupad ng NCRPO.