Sereno, de Castro nagkainitan
Sa SC oral argument
MANILA, Philippines — Nagkainitan kahapon sina Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Associate Justice Teresita Leonardo de Castro sa pagsisimula ng oral arguments sa quo warranto petition laban sa punong mahistrado.
Sa pagtatanong ni de Castro, agad niyang pinaamin si Sereno kung nakapagsumite nga ito ng kinakailangang dami ng Statement of Assets Liabilites and Nethworth (SALN).
Pero sa halip na sagutin ni Sereno ang tanong ay kinuwestiyon naman niya ang ilan sa kanilang mga kasamahan na hindi rin umano nakapagsumite ng kani-kanilang buong SALN.
Ayon kay Sereno, 15 lang ang isinumiteng SALN ni de Castro.
Dahil dito lalong nairita si Justice de Castro sa hindi direktang pagsagot ni Sereno sa kanyang tanong.
Agad namang pumagitna si acting Supreme Court Chief Justice Antonio Carpio at ipinag-utos kay Sereno na sagutin ang tanong ni de Castro.
Nanindigan naman si Sereno na mayroon siyang SALN subalit tumanggi itong iprisinta sa harap ng SC en banc.
Iginiit nitong sa impeachment hearing lamang niya ipiprisinta ang kanyang mga SALN at hindi sa harap ng kapwa niya mga mahistrado.
Inusisa ni de Castro ang isinumiteng SALN ni Sereno noong July 27, 2010 pero lumalabas na naglalaman ito ng SALN ni Sereno para sa taong 2006 na ayon kay de Castro ay hindi rin pala notaryado.
- Latest