MANILA, Philippines — Naghahanda na si Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa panibagong giyera kontra droga sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).
Ito’y kaugnay ng napipinto nitong pag-upo bilang director ng Bureau of Corrections (BuCor).
Sinabi ni dela Rosa na handa na siya sa hamon sa kanilang panibagong tungkulin na ibinigay sa kaniya ni Pangulong Duterte upang supilin ang droga sa Bilibid.
“I will not give you the details but I will tell you, mark my word I will succeed. I will not let drug lords to win over me. As to how I will do it, just extend your wild imagination,” ani dela Rosa.
Sa Abril 19 ay isasalin na ni dela Rosa ang kapangyarihan kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Oscar Albayalde na siyang nahirang ni Pangulong Duterte na pumalit rito sa puwesto.
Inihayag ni dela Rosa na kapag naupo na siyang BuCcor chief ay panunumpain niya sa Bibliya ang mga drug lord na nakapiit dito na hihinto na sa kanilang iligal na aktibidades.
“I will let them swear before the Bible that they will stop so that if they continue with it they will be facing sins here on earth and in heaven,” anang PNP Chief.
Binalaan din ni dela Rosa ang iba pang mga inmates sa Bilibid na huminto na bago pa man niya ang mga ito tuluyang pahintuin.
“Stop it before I will stop you,” anang PNP chief.