MANILA, Philippines — Nakatakdang maghain ng isang resolusyon si Senator Antonio Trillanes IV upang paimbestigahan ang pagpapasara ng Boracay sa loob ng anim na buwan.
Ayon kay Trillanes, “very heartless” ang naging desisyon ni Pangulong Duterte na ipasara ang Boracay dahil apektado ang mahigit 30,000 manggagawa pati ang pamilya ng mga ito.
Bagaman at aminado si Trillanes na kailangang magsagawa ng rehabilitasyon sa isla, pero hindi aniya dapat ipasara ang buong isla.
Naniniwala si Trillanes na didinggin ni Senator Nancy Binay, chair ng Senate committee on Tourism ang kanyang resolusyon at magiging independent ito sa gagawing imbestigasyon.
Matatandaan na inamin ni Binay kamakailan na hindi pa rin sila nagpapansinan ni Trillanes na kabilang sa nagpa-imbestiga sa kanyang ama na si dating Vice Pres. Jejomar Binay at kapatid na si dating Makati Mayor Junjun Binay.
Malaki ang paniwala ni Trillanes na may kaugnayan sa pagpapatayo ng $500 milyong halaga ng casino ang gagawing pagpapasara sa Boracay.
Hindi aniya magka-courtesy call kay Duterte ang isang malaking negosyante kung hindi “done deal” ang negosyong pinag-usapan katulad ng itatayong casino.
Hindi rin naniniwala si Trillanes sa sinabi ni Duterte na hindi niya alam ang sinasabing itatayong casino sa isla na itinuturing na isa sa pinaka-magandang beach sa buong mundo.
Hindi rin aniya uubra ang sinasabing land reform ng Pangulo dahil wala namang farm lands sa isla at wala ring mga magsasaka.
Related video: