14 sa 17 pugante sa Zambo naibalik na sa kulungan

MANILA, Philippines — Himas-rehas na muli ang 14 sa 17 preso na pumuga ngayong Martes sa Zamboanga City police station.

Sinabi ni Zamboanga City Police Office director Senior Superintendent Vincent Neri Ignacio na isa sa mga pugante ang sumuko, habang 13 ang nasakote sa manhunt operations na inilunsad.
Kasalukuyang pinaghahahanap pa ang tatlong pugante.

Nakilala ang presong si William Pajardo na nanguna sa pagtakas sa pamamagitan ng pagputol sa padlock ng kanilang selda sa Police Station 6 sa Barangay Tetuan.

Nakatulong pa ayon kay Ignacio ang pagbuhos ng ulan sa pagtakas ng mga preso.

Nasa 60 preso ang nakakulong sa naturang piitan ngunit 17 lamang ang tumakas, habang ang iba ay nagpaiwan.

Hindi nagawang pigilan ng dalawang pulis ang pagtakas ng mga preso.

Ayon sa ulat, nagpaputok ng warning shot ang mga pugante ngunit hindi ito pinansin ng mga tumakas na preso.

 

Show comments