Sa pagtanggap ng pagiging CJ
MANILA, Philippines — Ibinunyag ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na sinabihan siya umano ni Associate Justice Teresita de Castro na hindi siya mapapatawad nito sa pagtanggap ng una sa posisyon bilang Chief Justice.
Sa kanyang pagsasalita sa Araw ng Kagitingan, ibinunyag ni Sereno na sinabihan siya ni De Castro ng “I will never forgive you for accepting the chief justiceship” nang hilingin niya na suportahan siya sa unang araw ng kanyang panunungkulan noong Aug. 27, 2012.
“Sinabi po niya na ‘You should have not applied in the first place,’” ani Sereno.
Ang nasabing pahayag ay kasama sa kanyang petition na huwag pasamahin si De Castro sa “quo warranto” proceedings ng SC.
“Pumunta ako sa bawat justice ng Supreme Court ke gusto nila ako o hindi, ako po ang pumunta sa kanilang opisina. Ako po ang tumawag sa kanila. Hiningi ko ang kanilang kooperasyon at ang sabi nila hindi pa nagagawa ng kahit na sinumang chief justice ang humingi ng kooperasyon nila,” ani Sereno.
Apat pang justices ang nais ni Sereno na mag-inhibit sa quo warranto proceedings.
Si De Castro at apat pang justices ang tumestigo laban kay Sereno sa isinagawang pagdinig ng House of Representatives kaugnay ng impeachment complaint na inihain ng abogadong si Larry Gadon.
Nakatakdang simulan ang oral arguments ngayon sa quo warranto petition na isinampa naman ng Office of the Solicitor General.