DILG kay Albayalde
Linisin at disiplinahin ang kapulisan!’
Ito ang unang direktiba ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año kay incoming Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde.
Mahigpit ang utos ni Año na tugisin ang PNP personnel na nagbibigay ng kahihiyan sa kapulisan lalo na ang mga AWOL, natutulog, non-performing, umiinom habang naka-duty at lahat ng pasaway na pulis ay sibakin sa serbisyo.
Iginiit pa ng kalihim na ituloy ang paglilinis at reporma sa PNP na sinimulan ni outgoing PNP Chief Ronald dela Rosa sa implementasyon ng P.N.P patrol 2020.
Hinikayat din ni Año si Albayalde na magsagawa ng surprise inspections para matukoy ang mga non-performing police office at bilang bahagi ang PNP ng DILG ay dapat silang tumulad sa DILG personnel na matino, mahusay at maaasahan.
“As the next PNP Chief, I expect Gen. Albayalde to double his efforts to cleanse the ranks of police scalawags that tarnish the image of the entire police organization,” ayon pa kay Año.
Pinaalala rin ng kalihim na dahil double pay na ang uniformed personnel ay dapat doblehin din ng PNP ang kanilang trabaho para masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Umaasa rin siya na sa ilalim ng liderato ni Albayalde ay maipapatupad niya ang pangako kay Pangulong Duterte na walisin ang iligal na droga, kriminalidad at korapsyon sa bansa.
Ayon naman kay Albayalde, itutuloy nito ang pagpapatupad ng ‘kamay na bakal’ na pagdisiplina sa mga pulis para tuluyang maalis ang mga bugok sa kanilang hanay.
Nagbabala rin si Albayalde sa mga pulis hindi lang sa Metro Manila ngunit maging sa buong bansa na magpakatino na kung gusto pang manatili sa serbisyo sa pambansang pulisya.
Inumpisahan na umano niya ito sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) kabilang ang pagsibak sa buong puwersa ng Caloocan City Police na ipinasailalim niya sa ‘re-training’, pagsibak sa puwesto sa tatlong hepe ng pulisya kamakailan, at sorpresang pag-inspeksyon sa mga istasyon tuwing gabi at madaling-araw.
Sa tala ng NCRPO, mula 2016, nasa 279 pulis na ang na-dismiss sa serbisyo, 829 ang nasuspinde, 99 na-demote at 365 ang naitapon sa Mindanao.
Sinabi pa ng heneral na hindi niya maipapangako na hindi magiging madugo ang kampanya kontra iligal na droga ng PNP sa kanyang pag-upo sa puwesto. Iginiit niya na kailangang ipagtanggol pa rin ng mga pulis ang sariling buhay kapag nalagay sa panganib.
Nilinaw din niya na wala namang napapatay sa “Oplan Tokhang” dahil tanging pagkatok sa mga bahay at paghikayat lamang ito sa mga drug suspek na sumuko.