108 flying voters sa Maynila binura sa Comelec voter’s list

Ang desisyon ay nagmula sa sala nina Judge Ma. Ruby Camarista ng MTC Branch 1 noong Pebrero 28, 2018 at Judge Carissa Anne Manook-Frondozo ng MTC Branch 7 na inisyu noong Pebrero 14, 2018.
KJ Rosales

MANILA, Philippines — Inutos ng dalawang Metropolitan Trial Court ng Maynila na tanggalin sa city’s voter’s list ang 108 flying voters na nakarehistro sa 3rd District ng Maynila, partikular sa Binondo, batay sa reklamong inihain ng dalawang barangay opisyal na mismong may hurisdiksyon sa lugar kung saan nakarehistro ang nasabing bilang. 

Ang desisyon ay nagmula sa sala nina Judge Ma. Ruby Camarista ng MTC Branch 1 noong Pebrero 28, 2018 at Judge Carissa Anne Manook-Frondozo ng MTC Branch 7 na inisyu noong Pebrero 14, 2018.  

Sa isang petition for exclusion na inihain nina Chairman Domingo Vacal at Kagawad Ramon Cheng ng Barangay 269, Zone 25, Dist. III, pawang nakarehistro ang 108 vo­ters sa Precinct no. 1100B. 

Sinabi naman ni election lawyer Romulo Macalintal at Ace Bautista, na ang 108 ay nakasama sa isinampa nilang petisyon na may kabuuang 161 flying voters. 

Naging matibay na batayan sa pagdedesisyon ni Camarista ang certification na ibinigay ng isang barangay chairman sa Navotas City na residente nila ang mga flying voters.

Nakakuha rin ng certification mula sa may-ari ng Zosima Building na hindi nila tenants ang mga flying voters na sangkot at ginamit lamang ang kanilang address.

Naitugma rin ang mga nasabing ebidensiya sa nakalap nang mag-imbestiga ang PNP-Criminal Investigation and Detention Group (CIDG).

Sa desisyon naman ni Judge Frondozo, iniutos din nito na tanggalin ang dalawang iligal na re­histradong botante matapos makita sa application for registration sa Comelec na ang ginamit nilang address ay sa ibang tao.

Sinabi ni Macalintal na mas handa na silang patunayan ang paglabag sa Omnibus Election Code on illegal registration ang inireklamong flying voters na nakatakdang dinggin ?sa Abril 10, 2018.

“Even with the exclusion of said voters from the voter’s list, the criminal case for their violation of election laws on illegal registration will continue and the said decisions rendered against them could be a strong basis to insure their prosecution and eventual conviction which carries a penalty of one to six years imprisonment,” ani  Macalintal.

Show comments