MANILA, Philippines — Inamyendahan ng Korte Suprema ang advisory na inilabas nito kaugnay ng pagpapatawag ng oral arguments sa quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ay makaraang almahan ni Sereno ang isa sa mga kundisyong inilatag ng Korte Suprema sa pagpapatawag ng oral arguments.
Sa manifestation na inihain ng kampo ni Sereno, partikular nitong tinutulan ang bahagi ng kundisyong nagsasabing kinikilala niya ang hurisdiksyon ng Korte Suprema na pagpasyahan ang petisyon gayong siya ay naninindigan na walang hurisdiksyon ang hukuman sa kaso at ang dapat lamang nitong gawin ay ibasura ang petisyon.
Giit ng kampo ni Sereno, patuloy silang naninindigan na walang kapangyarihan ang Korte Suprema na pagbigyan ang pangunahing hinihiling ng Office of the Solicitor General sa petisyon nito at iyan ay ang pagpapawalang bisa sa kanyang pagkakatalaga bilang punong mahistrado.
Mabilis namang tumugon ang Korte Suprema at sa ipinalabas nitong Amended Advisory ngayong araw na ito, inalis na ang bahagi ng kundisyon na tinututulan ni Sereno.
Nakasaad sa advisory na kung mabibigo si Sereno na makadalo ay kakanselahin ng Korte Suprema ang itinakda nitong oral arguments.