MANILA, Philippines — Hinikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga konsyumer na idulog sa kanilang tanggapan ang mga reklamo sa mga manlolokong ‘online seller’ ng mga pekeng produkto.
Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo, na maaring sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines ang mga seller na nanlilinlang sa kanilang mga kustomer gamit ang ‘selling platform’ na uso ngayon sa internet.
Ito ay makaraang may dumulog sa DTI na isang kustomer na paulit-ulit na umanong naloko ng mga online seller na mga peke ang mga produktong ipinapadala kahit na nakalagay sa deskripsyon ng produkto ay “authentic”.
“Kung nakalagay sa description ng product ay authentic, genuine or original, then nadiscover na fake pala, it is a form of deceptive selling on the part of the seller. So may violation ka ng Consumer Act,” ayon kay Castelo.
Kabilang pa sa inirereklamo ay ang mahabang proseso ng mga online selling platform sa pagre-refund sa ibinayad ng kanilang mga kliyente kahit na may pagkakamali sa parte ng kanilang akreditong seller.