Bato tatakbong gob. ng Davao del Sur?
MANILA, Philippines — Posibleng tumakbo si outgoing Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa bilang gobernador sa kanilang lalawigan sa Davao del Sur kaugnay ng nalalapit na mid-term elections sa bansa sa Mayo 2019.
Inamin ni dela Rosa na isa ito sa mga opsyon o maaring pagpilian na napag-usapan nila ni Pangulong Duterte.
“Nabanggit kasi niya (President Duterte) na gobernador ng Davao del Sur sa aming probinsya, nasabi niya sa akin doon ka na para marami ka pang matulungan doon na mahihirap sa probinsiya mo,” pahayag ni dela Rosa na tubong Brgy. Bato, Sta Cruz, Davao del Sur.
Gayunman, sinabi ni dela Rosa na hindi pa ito pinal at maari pa rin siyang tumakbong senador kung ito ang nanaisin o ipapayo sa kanya ni Pangulong Duterte.
Sinabi rin ni dela Rosa na isa lang ang puwedeng makapagpatakbo sa kaniya sa pagiging senador o gobernador at ito ay ang salita ni Pangulong Duterte.
Kaugnay nito, inihayag ni dela Rosa na magbabakasyon muna siya kasama ang kaniyang pamilya kapag nagretiro bago niya pamunuan ang Bureau of Corrections (BuCor) na siyang puwesto na ibinigay sa kaniya ng Pangulo.
Si dela Rosa, produkto ng PMA Sinagtala Class 1986 ay dapat nagretiro na noong Enero 21, 2018 pero pinalawig pa ng Pangulo ang termino nito hanggang Abril 24, 2018.
Papalit sa kanya ang kanyang mistah na si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Oscar Albayalde.
- Latest