MANILA, Philippines — Pinabuwag na ni Pangulong Duterte ang NFA Council sa pakikipagpulong nito sa mga rice traders sa Malacañang.
Ayon kay Agriculture Sec. Manny Piñol, sa nasabing pulong ay nagdesisyon din ang Pangulo na ibalik sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Agriculture ang National Food Authority (NFA), Philippine Coconut Authority (PCA) at National Irrigation Authority (NIA).
Napagkasunduan din na magbibigay ng 100,000 na sako ng bigas ang mga rice traders sa Metro Manila na maibebenta na sa susunod na linggo.
Ipapasa umano ang bigas sa presyong P38 sa mga retailers at ibebenta naman ito sa merkado ng P39 lamang.
Handa rin umano ang mga traders na makipagtulungan sa pamahalaan habang kulang pa ang supply ng mas murang bigas.
Magugunita na sinisi ni NFA Council head Leoncio Evasco si NFA Administrator Jayson Aquino makaraang magbigay ng pahayag na naubos na ang supply nila ng NFA rice na lumikha ng panic sa taumbayan.
Samantala, kinontra naman ni Sen. Kiko Pangilinan ang pagbuwag sa NFA Council.
Ayon kay Pangilinan, sa halip na buwagin ang council, ang dapat gawin ni Pangulong Duterte ay palitan si Aquino.
Duda rin si Pangilinan kung bababa ang presyo ng bigas sa bansa sa sandaling mabuwag ang NFA Council.
Ayon pa kay Pangilinan, nagiging isyung pulitikal ang bigas dahil ito lamang ang nagiging pamatid-gutom ng mga mahihirap na Filipino na maaring isama sa pagdidildil ng asin.
“Gutom ang dapat i-abolish, hindi ang NFA Council. Marami sa mahihirap ay babae at bata, magsasaka at mangingisda. Sila ang nagdidildil ng asin. Maling-mali ito,” sabi ni Pangilinan.
Hindi rin aniya maaaring buwagin ang NFA Council sa pamamagitan lamang ng isang executive decree dahil puwede lamang itong mabuwag sa pamamagitan ng isang batas.
Ipinunto rin ni Pangilinan na simula ng maupo umano si Aquino, pinaalis niya ang mga NFA port officers na nagbabantay sa mga rice smuggling.
“Sa pagpapatakbo ng NFA ni Administrator Jason Aquino, pinaalis ang mga NFA port officers na nagbabantay kontra rice smuggling. Sa kabila ng naitala na mga release at testimonya ng mga NFA-accredited retailer, nawala ang bigas sa mga palengke. Di pa ito nangyayari sa 45 taon ng NFA.”
“Sa isang Senate hearing, sumumpa ang mga magsasaka at retailer na ang NFA rice ay dina-divert, nire-repack, at binebenta bilang commercial rice sa dobleng presyo ng mga piling traders,” sabi ni Pangilinan.